Halamang Gamot - Yerba Buena



Ang Yerba Buena o mint ay kilalang halaman na may malamig na lasa at mabangong amoy. Ang halaman ay maliit lamang, may dahon na mabibilog, at bulaklak na kulay lila. Orihinal na nagmula sa Europa ngunit karaniwan na ring pananim sa maraming lugar sa Pilipinas. Mas madali itong tumubo sa matataas na lugar sa bansa tulad ng Baguio at Benguet.

ANO ANG MGA SUSTANSYA AT KEMIKAL NA MAAARING MAKUHA SA HERBA BUENA?

Ang iba’t ibang bahagi ng halamang herba buena ay maaaring makuhanan ng maraming uri ng kemikal at sustansya na maaaring may benepisyo sa kalusugan:

Ang halamang herba buena ay may taglay na volatile oil na mayroong pulegone, menthol, menthene, menthenone at limonene.

Makukuhanan din ng alkaloids, polyphenols, flavonoids, tannins, saponins, cardiac glycosides, at diterpenes ang iba’t ibang bahagi ng halaman.

ANONG BAHAGI NG HALAMAN ANG GINAGAMIT BILANG GAMOT, AT PAANO GINAGAMIT ANG MGA ITO?

Maaaring gamitin bilang gamot ang ilang bahagi ng halaman tulad ng:

Dahon. Ang dahon ay karaniwang nilalaga, o hinahalo sa inumin upang magamit bilang gamot. Maaari din itong dikdikin at ipantapal sa ilang kondisyon sa balat. Minsan pa’y pinatutuyo din ang dahon bago ihalo sa tubig at inumin na parang tsaa.

Tangkay. Ang mga tangkay ng halaman ay karaniwan ding hinahalo sa dinidikdik na halaman na gagamitin sa panggagamot.

ANO ANG MGA SAKIT NA MAAARING MAGAMOT NG HERBA BUENA?
  1. Kabag. Mahusay na panlunas sa kabag ang pag-inom sa pinaglagaan ng dahon at mga tangkay ng herba buena. Inumin lamang ang pinaglagaan habang maligamgam pa.
  2. Kagat ng insekto. Maaaring ipantapal sa balat na apektado ng kagat o tusok ng insekto ang dinikdik na dahon ng herba buena.
  3. Pagtatae. Maaari ding matulungan ng pag-inom sa pinaglagaan ng dahon ng herba buena ang kondisyon ng pagtatae.
  4. Lagnat. Mabisa din sa kondisyon ng lagnat ang pag-inom sa pinaglagaan ng dahon at sanga ng halaman.
  5. Pagkahilo. Kung dumadanas naman ng pagkahilo, maaaring ipaamoy ang dinurog na dahon ng herba buena upang bumuti ang pakiramdam.
  6. Pananakit ng ulo. Makatutulong din na mapabuti ang pakiramdam ng taong dumadanas ng pananakit sa ulo kung ipantatapal ang bahagyang dinikdik na dahon ng herba buena sa noo at sentido.
  7. Pananakit ng ngipin. Ang katas ng dahon ng herba buena ay maaaring ipatak sa maliit na piraso ng bulat bago isiksik sa ngipin na sumasakit. Maaari din inumin ang pinaglagaan ng dahon ng herba buena upang bumuti ang pakiramdam.
  8. Pagsusuka ng buntis. Dapat ding inumin ang pinaglagaan ng dahon ng herba buena kung dumaranas ng pagsusuka habang buntis.
  9. Impatso. Makatutulong din sa kondisyon ng impatso ang pag-inom sa pinaglagaan ng dahon at sanga ng halaman.
  10. Ubo. Ang tinadtad na dahon ay dapat pakuluan at ipainom sa dumaranas ng pag-uubo. Tatlong beses itong iniinom sa isang araw.
  11. Rayuma. Ang dinikdik na dahon at sanga ay maaaring ipampahid sa bahagi ng katawan na nananakit dahil sa rayuma.
  12. Mabahong hininga. Mabisang pampabango sa hindinga ang pagmumumog sa maligamgam na tubig na pinagbabaran ng tinadtad na dahon ng herba buena.








Halamang Gamot - Yerba Buena Halamang Gamot - Yerba Buena Reviewed by Keyzone on 8:17 PM Rating: 5

No comments:

Powered by Blogger.