Ang ALUGBATI ay isang halamang gumagapang na kalimitang nakikitang tumutubo sa kahit saan. Ito ay may mapupulang baging o sanga at hugis puso na dahon. Ang bunga ay maliliit na bilog na parang paminta na kulay lila. Nagkukulay ang bunga nito na mapula o kulay lila kung kaya’t madalas itong ginagamit bilang kolorete sa mukha.
ANO ANG MGA SUSTANSYA AT KEMIKAL NA MAAARING MAKUHA SA ALUGBATI?
Ang iba’t ibang bahagi ng halamang alugbati ay maaaring makuhanan ng maraming uri ng kemikal at sustansya na maaaring may benepisyo sa kalusugan:
Taglay ng dahon ng alugbati ang ilang mga sustansya tulad ng saponin, vitamin A and B. Mayroon din itong glycosides, saponins, tannins, flavonoids, terpenoids, at carbohydrates.
Ang maliliit na bunga naman ay may taglay na mucilage at iron.
May ilang pag-aaral din na nagsasabing taglay ng halamang ito ang carotene, vitamin C, at nitrate.
ANONG BAHAGI NG HALAMAN ANG GINAGAMIT BILANG GAMOT, AT PAANO GINAGAMIT ANG MGA ITO?
Maaaring gamitin bilang gamot ang ilang bahagi ng halaman tulad ng:
Ugat. Ang katas ng ugat ay kinukuha sa pamamagitan ng pagdikdik dito o kaya at sa paglalaga nito.
Dahon. Ang mga dahon ay karaniwang nilalaga o kaya ay kinakatasan upang makuha ang malapot na dagta.
Baging o sanga. Kinukuha rin ang malapot na dagta mula sa mga baging at sanga ng halaman sa pamamagitan ng pagdikdik dito.
ANO ANG MGA SAKIT NA MAAARING MAGAMOT NG ALUGBATI?
Ayon sa mga pag-aaral at nakagawian ng ilan, ang ilan sa mga sakit na maaaring malunasan sa pamamagitan ng paggamit sa halamang alugbati ay ang sumusunod:
- Buni. Ang pagpapahid ng malapot na dagta ng dahon at mga sanga ng alugbati ay makatutulong sa masmabilis na pagpapagaling sa buni sa balat.
- Pagtatae o disinterya. Ang pag-inom sa malapot na dagta mula sa dahon at mga sanga ng alugbati ay makagagamot daw sa pagtatae o disinterya.
- Altapresyon. Maaaring ipainom ang pinaglagaan ng dahon ng alugbati sa taong dumaranas ng pagtaas ng presyon ng dugo.
- Pagsusugat. Makatutulong ang katas ng dahon ng alugbati na hinalo sa mantikilya sa mabilis na paggaling ng mga sugat sa balat. Maari ring itapal ang mga tinadtad na dahon sa apektadong balat.
- Pagtatagihawat. Ang dagta ng alugbati ay mainam para hndi lumaki ang mga tagihawat sa katawan.
- Ulcer. Ang pagkakaroon ng ulcer sa sikmura ay maaaring mabilis na mapagaling ng pag-inom ng pinaglagaan ng dahon ng alugbati.
- Pananakit ng sikmura. Ang pinaglagaan ng ugat at mga sanga ng alugbati ay mainam para sa pananakit ng sikmura.
- Pananakit ng ulo. Ang malagkit na dagta na mula sa mga dahon at sanga ay pinapahid sa ulo para mawala ang pananakit na nararanasan.
Halamang Gamot - Alugbati
Reviewed by Keyzone
on
5:32 PM
Rating:
No comments: