Ang ANONAS ay isang mataas na puno na kilalang tumutubo sa maraming lugar sa buong kapuluan ng Pilipinas. Ang mga bulaklak at bunga ay kahalintulad din ng atis, ngunit wala ang bukol-bukol na balat sa bunga. Ito rin ay may maputing laman, makatas, at matamis na lasa.
ANO ANG MGA SUSTANSYA AT KEMIKAL NA MAAARING MAKUHA SA ANONAS?
Ang iba’t ibang bahagi ng halamang anonas ay maaaring makuhanan ng maraming uri ng kemikal at sustansya na maaaring may benepisyo sa kalusugan:
Taglay ng balat ng kahoy ng anonas ang anonaine at 5-6 dioxymethylene-aporphine. Mayaman din ito sa tannic acid.
Mayroon namang dextrose at levulose ang bunga ng anonas.
ANONG BAHAGI NG HALAMAN ANG GINAGAMIT BILANG GAMOT, AT PAANO GINAGAMIT ANG MGA ITO?
Maaaring gamitin bilang gamot ang ilang bahagi ng halaman tulad ng:
Dahon. Ang dahon ay karaniwang ginagamit na pantapal sa apektadong bahagi ng katawan. Ito ay pinapadaanan sa apoy bago ipantapal. Dinidikdik din ito upang magamit na pantapal.
Balat ng kahoy. Karaniwan namang nilalaga ang balat ng kahoy para mainom ng may sakit.
Ugat. Maaari ding ilaga ang ugat para mainom at makagamot sa ilang kondisyon.
Bunga. Ang hilaw na bunga ng anonas ay mabisa ding gamot para sa ilang karamdaman.
ANO ANG MGA SAKIT AT KONDISYON NA MAAARING MATULUNGAN NG ANONAS?
- Impatso. Ang dahon ng anonas ay pinapadaanan muna sa apoy bago ipantapal sa tiyan na nananakit. Inilalagay ang dahon habang mainit pa.
- Pagtatae. Ginagamit naman ang pinulbos na balat ng kahoy ng anonas bilang panlunas para sa kondisyon ng pagtatae. Ito’y kadalasang hinahalo sa inumin. Maaari ding inumin ang pinaglagaan ng pinagsamasamang dahon, balat ng kahoy, at hilaw na bunga para sa malulubhang kaso.
- Bulate sa tiyan. Mabisa para sa impeksyon ng bulate sa tiyan ang pag-inom sa pinaglagaan ng dahon ng anonas.
- Pigsa. Ang dinikdik na dahon ng anonas ay pinangtatapal sa bahagi ng balat na apektado pigsa.
- Epilepsy. Dapat inumin ang pinaglagaan ng ugat para maiwasan ang panginginig ng kalamnan dahil sa sakit na epilepsy.
- Pananakit ng ngipin. Ang maliliit na piraso ng ugat ng anonas ay maaaring ilagay sa bahagi ng ngipin na nananakit upang maibsan ang pakiramdam.
- Lagnat. Nakakapagpababa naman ng mataas na lagnat ang pag-inom sa pinaglagaan ng ugat ng anonas.
Halamang Gamot - Anonas
Reviewed by Keyzone
on
6:20 PM
Rating:
No comments: