Ang ALAGAW ay isang kilalang halaman na karaniwang tumutubo sa mga isla ng Pilipinas at sa mga karatig bansa nito. Ang dahon nito na malapad ay kilalang ginugulay at ginagawang salad sa maraming mga lugar. Mayroon din itong mga bulaklak na kumpolkumpol sa isang sanga. Ang bunga naman ay maliliit na bilog na tila mga paminta na kulay lila o itim.
ANO ANG MGA SUSTANSYA AT KEMIKAL NA MAAARING MAKUHA SA ALAGAW?
Ang iba’t ibang bahagi ng halamang alagaw ay maaaring makuhanan ng maraming uri ng kemikal at sustansya na maaaring may benepisyo sa kalusugan:
Ang dahon ng alagaw ay maaaring makuhanan ng mabangong langis, at ilang mga kemikal gaya ng acyclic monoterpenediol diesters, premnaodorosides A, B, at C. Mayroon pang phenethyl alcohol glycosides, verbscoside, isoacteoside, bioside (decaffeoylverbascoside) and cistanoside F.
ANONG BAHAGI NG HALAMAN ANG GINAGAMIT BILANG GAMOT, AT PAANO GINAGAMIT ANG MGA ITO?
Maaaring gamitin bilang gamot ang ilang bahagi ng halaman tulad ng:
Dahon. Ang dahon ng alagaw ang pangunahing bahagi ng halaman na ginagamit bilang gamot. Ito ay maaaring ilaga at inumin na parang tsaa. Maaaring lagyan ng pantamis o kaya ay kalamansi upang mas malinamnam kung inumin. Maaari ring dikdikin at kunin ang katas upang ipampahid sa bahagi ng katawan.
Usbong. Ang mga bagong usbong na dahon at bulaklak ay kadalasang kinakain o ginagawang gulay na sangkap sa ilang mga lutuin.
ANO ANG MGA SAKIT NA MAAARING MAGAMOT NG ALAGAW?
Ayon sa mga pag-aaral at nakagawian ng ilan, ang ilan sa mga sakit na maaaring malunasan sa pamamagitan ng paggamit sa halamang akapulko ay ang sumusunod:
- Ubo na may makapit na plema. Ang pag-inom sa pinaglagaan ng dahon ng alagaw ay maaaring makatulong sa pagpapaluwag ng paghinga at pagpapalambot ng makapit na plema.
- Tulo sa babae. Ang pinaglagaan din ng bagong usbong na dahon ng alagaw ay maaaring ipanghugas sa ari ng babae kung patuloy ang pagtulo (discharge).
- Sipon. Maaaring maibsan ang mga sintomas ng sipon kung iinumin ang pinaglagaan ng dahon ng alagaw.
- Pananakit ng ulo. Ang dinikdik na dahon ng alagaw ay maaaring ilagay sa noo o ipahid sa sentido upang maibsan ang pananakit ng ulo.
- Tuberculosis. Pinaniniwalaang nakagagaan ng pakiramdam at nakakabawas ng sintomas ng sakit na TB ang pag-inom ng pinaglagaan ng dahon ng alagaw.
- Pananakit ng sikmura. Maaring inumin ang pinaglagaan ng dahon para maibsan ang pananakit ng tiyan. Maaari ding ipahid sa nananakit na sikmura ang dinikdik na dahon ng alagaw na inihalo sa langis ng niyog upang maibsan ito.
- Galis at mga sugat. Ang mga sugat at galis sa balat ay maaaring pahiran ng katas mula sa dinikdik na dahon ng alagaw.
- Impeksyon ng mga organismo sa sikmura. Ang pagkakaroon ng mga peste sa sikmura gaya ng giardia at amoeba ay maaaring magamot sa pamamagitan ng pag-inom ng pinaglagaan ng dahon ng alagaw.
Halamang Gamot - Alagaw
Reviewed by Keyzone
on
6:08 PM
Rating:
No comments: