Isang karaniwang halaman sa Pilipinas ang SANTAN. Ito ay madalas na nakikitang pananim sa mga gilid ng daanan at mga parke bilang halamang ornamental. Maliit lamang ang halamang ito, at may mala-kahoy na mga sanga. Ang mga bulaklak na ay tumutubo nang kumpol-kumpol at maaring kulay dilaw, pula, at puti. Orihinal na nagmula ang halaman sa bansang India, ngunit ngayon ay nakakalat na sa buong mundo.
ANO ANG MGA SUSTANSYA AT KEMIKAL NA MAAARING MAKUHA SA SANTAN?
Ang iba’t ibang bahagi ng halamang santan ay maaaring makuhanan ng maraming uri ng kemikal at sustansya na maaaring may benepisyo sa kalusugan:
Ang dahon ng santan ay may taglay na flavonol, kaemferol at quercetin. Mayroon pa itong proanthocyanidins, phenolic acid at ferulic acid.
Ang bulaklak naman ay makukuhanan ng cyanidin, flavonoids, at quercitin.
Mayroon ding tannins, lupeol, fatty acids, ß-sitosterols, at cycloartenol esters ang bulaklak ng santan.
ANONG BAHAGI NG HALAMAN ANG GINAGAMIT BILANG GAMOT, AT PAANO GINAGAMIT ANG MGA ITO?
Maaaring gamitin bilang gamot ang ilang bahagi ng halaman tulad ng:
Ugat. Ang ugat ng santan ay maaaring gamitin sa paggagamot. Kadalasang nilalaga ito at pinaiinom sa taong may karamdaman.
Bulaklak. Madalas ding nilalaga ang bulaklak ng santan at pinapainom ang pinaglagaan upang maging gamot sa ilang kondisyon sa katawan.
Dahon. Ang dahon ay mabisa din sa panggagamot sa ilang kondisyon sa katawan. Kadalasang nilalaga din ito at iniinom o pinanghuhugas sa apektadong bahagi ng katawan.
ANO ANG MGA SAKIT NA MAAARING MAGAMOT NG SANTAN?
- Sinok. Ang sinok ay maaaring malunasan ng pag-inom sa pinaglagaan ng ugat ng santan.
- Kawalan ng gana sa pagkain. Mahusay na pampagana sa pagkain ang pag-inom din sa pinaglagaan ng ugat ng santan.
- Pigsa. Nakatutulong naman na maibsan ang pamamaga at pananakit sa balat na dulot ng pigsa ang pagtatapal ng dinikdik na dahon ng santan.
- Altapresyon. Dapat inumin ang pinaglagaan ng bulaklak para makontrol naman ang presyon ng dugo.
- Sugat. Pinangtatapal din sa sugat ang dinikdik na dahon ng santan upang mapabilis ang paghilom nito.
- Pagtatae. Nakatutulong sa kondisyon ng pagtatae o disinterya ang pag-inom sa pinaglagaan ng ugat ng santan.
- Sore throat. Ang katas mula sa ugat ng santan ay maaaring ihalo sa tubig at ipang-mumog upang malunasan ang pananakit ng lalamunan.
- Eczema. Ang kondisyon ng pamamaga sa balat o eczema ay tinatapalan din ng dinikdik na dahon ng santan.
Halamang Gamot - Santan
Reviewed by Keyzone
on
7:53 PM
Rating:
No comments: