Sabila (Aloe Vera) gamut sa mga paso (burns) na gaya ng tilamsik ng mantika; ginagamit bilang pampalago ng buhok, pampakinis ng kutis, gamot sa sugat.
Kunin ang katas ng dahon at ipahid sa balat na natilamsikan ng mantika; gamitin din ang katas para ikuskos sa anit at mukha. Maaari ring gamitin ang katas ng dahon bilang gamut sa sugat.
KAALAMAN TUNGKOL SA SABILA (ALOE VERA) BILANG HALAMANG GAMOT
Scientific name: Aloe vera Linn.; Aloe vulgaris Lam.; Aloe perfoliata Linn.
Common name: Sabila (Tagalog); Aloe, Aloe Vera (Ingles)
Ang sabila ay isang makatas na halaman na matagal nang ginagamit ng tao sa panggagamot at paggawa ng mga kolorete at pampaganda. Ito ay maliit lamang na halaman na may makapal, makatas, at bahagyang napaliligiran ng mala-tinik na bahagi. Maaari din itong tubuan ng bulaklak na patayo sa gitna. Orihinal na nagmula sa tropikong bahagi ng Africa ngunit tumutubo na rin ngayon sa maraming bansa kabilang na ang Pilipinas.
ANO ANG MGA SUSTANSYA AT KEMIKAL NA MAAARING MAKUHA SA SABILA (ALOE VERA)?
Ang iba’t ibang bahagi ng halamang sabila ay maaaring makuhanan ng maraming uri ng kemikal at sustansya na maaaring may benepisyo sa kalusugan:
Ang halaman ay may taglay na iba’t ibang uri ng vitamins, enzymes, minerals, sugar, lignin, saponins, salicylic acids at amino acids.
Mayroon itong aloin, barbaloin, isobarbaloin resin, (sicaloin; emodin; cinnamic acid; b-arabinose; oxidase), cinnamic acid, coumarins, at kaunting volatile oil
ANONG BAHAGI NG HALAMAN ANG GINAGAMIT BILANG GAMOT, AT PAANO GINAGAMIT ANG MGA ITO?
Maaaring gamitin bilang gamot ang ilang bahagi ng halaman tulad ng:
Dahon. Maaaring gamitin ang dahon sa iba’t ibang paraan ng panggagamot. Maaari itong kuhanan ng katas at laman upang maipampahid sa ilang bahagi ng katawan. Maaari din itong dikdikin at ipantapal sa ilang kondisyon. Mabisa rin ang pag-inom sa pinaglagaan ng dahon ng aloe vera.
ANO ANG MGA SAKIT NA MAAARING MAGAMOT NG SABILA (ALOE VERA)?
- Balakubak. Ang katas at laman ng sariwang dahon ng sabila ay karaniwang gamot para sa balakubak. Ang mga nasabing bahagi ng halaman ay pinampapahid sa apektadong anit.
- Paglalagas ng buhok. Ang katas ng laman ng sabila ay maaari ding gamitin upang maiwasan ang pagkalagas ng buhok at paghantong sa pagkapanot. Ito ay pinapahid lamang sa bahagi ng ulo na may pagnipis ng buhok. Minsan pa, ang katas ng sabila ay hinahalo muna sa alak bago ipahid sa buhok.
- Pamamanas. Maaari namang ipangtapal sa bahagi ng katawan na may pamamanas ang dinikdik na dahon ng sabila.
- Pagtatae. Mabisa para sa kondisyon ng pagtatae ang pag-inom sa katas ng sabila na hinalo sa gatas.
- Paso. Ang paso ay maaaring pahiran ng katas mula sa sariwang dahon ng sabila. Makatutulong ito upang maibsan ang hapdi at maiwasan ang pinsala sa balat. Ang katas ay maaari ding ihalo sa langis ng niyog upang mas lalong maging mabisa.
- Sugat. Nakatutulong din sa mas mabilis na paghilom ng sugat ang pagpapahid ng katas ng dahon ng sabila.
- Sore eyes. Pinaniniwalaan ding may bisa laban sa sore eyes ang pagpapahid ng katas ng dahon sa paligid ng namumulang mata.
- Psoriasis. Ang dinurog na laman ng dahon ay mabisa rin upang malunasan ang mga sintomas na dulot ng sakit na psoriasis gaya ng pangangapal at pagkakaliskis ng balat.
Halamang Gamot - Sabila
Reviewed by Keyzone
on
6:16 PM
Rating:
No comments: